Dati-rati akin pang natatandaan
mga araw ng patintero, piko at bahay-bahayan
taguan at langit-lupa sa kabilugan ng buwan
Naaalala niyo pa ba ang ating mga ngiti?
Kung hindi sobrang laki, ang mga ngipi’y bungi?
Noon pa ma’y mahilig ng mag-inarte ang tropa
Sa harap man ng kamera o ng mga kapamilya
Tayo ay mga taga pang-aliw, taga bigay ng saya
Tunay tayong mga may pinagsamahan
Nagmamahalan, nag-aalagaan
Iba iba man ang ating mga kaugalian
Iisa na man ang dugong dumadaloy sa kaugatan
Kaya naman pare-pareho tayo ng mga hilig
Pare-parehong mga baliw sa kalokohan,
Seryoso kuno sa kabuhayan
Ito’y isang simpleng tula lamang
Pagtanaw sa panahon ng kamusmusan
Sa mga araw ng payak na kaligayahan
Na kailanma’y di makakalimutan
Bawat sandali’y binabalik-balikan
At ngayon, sa kasalukuyang panahon
Di man tayo madalas magkita, at
Nababawasan na ang panahon
Sa pagsabay sa galaw ng buhay
At pagkamit sa ating mga pangarap
Nananalaytay pa rin sa ating mga puso
Ang ating mga totoong kulo
Mga kamusmusan sa ating kalooba’y
Bata pa rin at buhay-na-buhay
Nag-iisip, nagtatanong, nagsasalaysay..
Mga ka-tropa kailan kaya muling makikita
Mga musmos na naglalaro, nagtatawanan,
Mga totoo sa sarili, walang kahiya-hiya,
Mga nangangarap, puno ng ligaya, at lubos na masasaya
Posted at 10:43 pm by Yams
Permalink